Bilang tugon sa hinaing ng mga jeepney at tricycle drivers sa lungsod na lubhang naapektuhan ng pandemya, isang proposed ordinance ang tinalakay ng mga myembro ng Sangguniang Panglungsod sa committee hearing na isinagawa noong September 7. Ang nasabing panukalang ordinansa ay may titulong “Requiring the Installation of Tip Boxes Inside Public Utility Vehicles (PUV’s) and Tricycles of Batangas City and Providing Penalties Thereof” na isinumite ni Councilor Nestor Boy Dimacuha bilang principal author nito.
Ayon sa kanya, layunin ng ordinansa na mabigyan ng suporta ang mga PUV drivers sa pamamagitan ng paglalagay ng ‘tip box’ sa kanilang mga sasakyan. “Sa nangyaring community quarantine na dulot ng COVID19, isa sa pinaka-apektadong sektor ay ang ating mga drivers. Mula noon hanggang ngayon na nasa GCQ ang Batangas City, apektado pa rin sila dahil sa safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan,” sabi ni Dimacuha. Binigyang diin niya na ito ay boluntaryo, hindi sapilitan sa panig ng mga pasahero at ginawa upang makatulong sa mga drivers kahit sa maliit na paraan.
Sakaling maipasa, nire-require ng naturang ordinansa ang mga tricycle at jeepney drivers na mag-install ng tip box na madaling makikita ng mga pasahero. Ito ay hindi upang saklawan ang fare matrix na ipinatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Minimum regular fare pa rin ang ibabayad, at hindi din maaapektuhan ng ordinansa ang mga discounts sa PWD’s, Senior Citizen’s at mga estudyante.
Pagmumultahin ang mga driver na aabuso sa ordinansa. Ipinagbabawal ang pamimilit sa mga pasahero na magbigay ng tip. Ito ay mahigpit na babantayan ng mga itatalagang apprehending officers.
Samantala, ang nasabing proposed ordinance ay dadaan sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo. (PIO Batangas City)
You must be logged in to post a comment Login