May 1073 babuyan sa lungsod ang nabisita na ng Environment and Natural Resources Office (ENRO) ngayong taon upang masiguro na mayroon itong septic tank para sa maayos na pangangasiwa ng dumi ng mga baboy.
Bukod sa pagkakaloob ng assistance sa mga livestock raisers ng ibat-ibang barangay hinggil sa angkop na disenyo ng septic tank, nagsasagawa din ang nasabing tanggapan ng Information Education Campaign (IEC) na tumatalakay sa mga batas na dapat sundin sa pag-aalaga ng mga ito.
Kaugnay nito, nagkaroon sila ng dayalogo kay City Legal Officer Atty Teodulfo Deguito upang magabayan at maiwasan ang mga paglabag. Ayon sa ENRO, sakaling lumabag, bibigyan sila ng notice of violation (NOV) upang magpaliwanag at maiwasan ang pagmumulta. Kung paulit-ulit ang paglabag at hindi angkop ang kinatatayuan ng piggery, sila ay papatawan ng cease and desist order. Iisyuhan naman ng citation ticket ang mga babuyan na maaktuhan na lumalabag sa Environment Code at Philippine Clean Water Act.
Namimigay din sila ng organic disinfectant sa ilalim ng programang Barangay Rationalized Agri-waste Disinfection o BRAD. Ang naturang disinfectant ang nagsisilbing primary treatment sa mga dumi ng baboy bago dumiretso sa waste treatment facility.
Samantala, nanawagan ang ENRO sa mga opisyales ng barangay upang makatuwang sa pagmomonitor sa mga babuyan na nasa lgar na kanilang nasasakupan. (PIO Batangas City)
You must be logged in to post a comment Login