Umabot na sa halagang P 3.5 milyon ang halaga ng tulong na ipinagkaloob ng Philippine Red Cross (PRC) Batangas Chapter sa mga naging biktima ng Taal Volcano mula ng pumutok ang bulkan noong ika-12 ng Enero hanggang ika-23 ng Enero.
Ang operational cost na tinaguriang WASH ( Welfare, Health, Relief and Mobilization) ay nagkakahalaga ng P 200,000, Halagang P 3.3 milyon naman ang items cost para sa 973 pamilya sa lalawigan kung saan kabilang dito ang relief goods at hot meals, water and sanitation tulad ng water tanker at portable toilets, gayundin ang instalasyon ng emergency medical units at pagbibigay ng psychosocial support. Ito ay ayon sa ulat ng director ng Disaster Management Service ng PRC na si Leonardo Ebajo sa isinagawang press conference noong ika-24 ng Enero sa Batangas Country Club.
Nauna rito, nagsagawa sila ng relief operations para sa 1,184 pamilya na nasa pitong evacuation centers sa Batangas City. Ang mga ito ay yaong nasa Batangas Sports Complex, barangay Sta Rita, Dreamzone, Bolbok, Batangas City Evacuation Center, Banaba Center at barangay Banaba West.
Ito ay nagkakahalaga ng P 4 milyon.. Kabilang dito ang mga non- food items tulad ng sleeping mats, blanket, mosquito nets, hygiene kits at jerry cans na nagkakahalaga ng P 3,400 kada kit.
Binigyang diin ni Ebajo na higit sa mandato ng batas sa kanila na 30% ng affected population ang kanilang natulungan at natugunan ang pangangailangan.
Pinuri rin niya ang ipinakitang kahandaan ng mga apektadong local government units dahilan sa walang napaulat na casualties sa kasagsagan ng naturang kalamidad.
Ayon naman kay Ronald Generoso, chapter administrator ng Red Cross Batangas Chapter, naging maagap ang pagtugon ng kanilang 39 staff sa apat na branches ng PRC sa lalawigan sa kautusan ng kanilang Chairman at CEO, Senator Richard Gordon. (PIO Batangas City)
You must be logged in to post a comment Login