Children’s Month Ipinagdiwang

Children’s Month Ipinagdiwang

Bilang bahagi ng pakikiisa sa selebrasyon ng Children’s Month, ngayong buwan ng Nobyembre, nagdaos ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ng isang programa para sa mga kabataan ng lalawigan, na may temang “Isulong: Tamang Pag-aaruga Para sa lahat ng Bata,” sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City noong ika-28 ng Nobyembre 2018.

Ang nasabing pagdiriwang ay pinangunahan ng tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Gng. Jocelyn R. Montalbo, katuwang ang mga bumubuo ng Provincial Council for the Protection of Children, mga ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Education – Batangas, Batangas Provincial Police Office at ilang mga non-government organizations.

Dinaluhan ang selebrasyon ng mga kabataan kasama ang kani-kanilang mga magulang at ilang Municipal Social Welfare and Development Officers na nagmula pa sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng probinsiya.

Pormal na inumpisahan ni Gng. Montalbo ang selebrasyon sa pagbibigay ng kanyang mensahe. Dito ay binigyang-diin niya na ang layon ng programa ay upang mabigyan ng halaga ang pagsusulong ng karapatan ng kabataan sa lalawigan. Ayon sa PSWDO Head, malaki ang nakalaang pondo sa proyektong ito, nang sa gayon ay malaman kung ano pa ang mga adbokasiyang maaaring ipaganap para sa pagpapalawig ng ginagawang aksyon para sa kabutihan ng mga bata.

Inilahad din ni Gng. Montalbo sa kaniyang mensahe ang isyu patungkol sa mga namamalimos sa lansangan lalo pa nga at nalalapit na ang Kapaskuhan. Aniya, hindi masama ang tumulong ngunit may mga tamang institusyon o pamilya na dapat paglaanan ng mga ibinibigay na salapi o barya. Dagdag pa niya, ang kanilang tanggapan ay nagpapalaganap na ng mga advocacy materials sa mga munisipalidad at lungsod sa lalawigan at nakiusap sa mga panauhin na suportahan ang proyekto na may tagline na “Tamang tulong ang kailangan, hindi ang pagbibigay limos sa lansangan”.

Kabilang sa mga naging highlight ng selebrasyon ang children’s contest kung saan nagkaroon ng paligsahan sa pag-awit, draw and tell contest, ganoon din ang paggagawad ng parangal sa natatanging Child Friendly Barangay 2018. Itinanghal na kampeon sina Antonia Alexxia T. Gutierrez ng Laurel, Batangas para sa singing contest at Jianna Cassandra Villalobos ng Brgy. 10, Balayan para naman sa draw and tell contest, kapwa nagkamit ng PhP 10, 000.00 cash prize.

Nagwagi at nakuha naman ng Barangay Bukal Padre Garcia ang titulong Child Friendly Barangay 2018.

Tinalakay ni Ms. Rexie Gareza ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission, Inc. ang paksa tungkol sa Online Sexual Exploitation of Children kung saan binigyang kahalagahan ang ilang mga aktibidad na ginagawa ng mga kabataan ngayon sa social media kabilang ang online dangers at risks, online conduct o behavior habang gumagamit ng internet, masamang epekto ng online games, cyberbullying at pagbabahagi ng ilang online safety tips.

Pinangunahan naman ni Ms. Lorenza Francisco, Federation Manager ng Reina Foundation of Parents Association, Inc., ang isang Forum on Positive Discipline na nagbibigay importansya sa gabay ng magulang sa mga bata at pagkakaroon ng isang positibong ginagalawan sa bahay man o komunidad. Binigyang diin niya na tila nawawala na ang pagtuturo sa mga bata ng tamang asal katulad ng paggamit ng “po” at “opo,” pagmamano at paggalang sa mga matatanda.

Samantala, sa pagtatapos ng selebrasyon ay nagkaroon ng sabayang pagbigkas ng Panatang Makabata na naglalayong maitanim ang kahalagahan ng karapatan ng mga kabataan sa kamalayan ng mga Pilipino. ✎Mark Jonathan Macaraig – Batangas Capitol PIO

You must be logged in to post a comment Login